Asan ang Pera ko????
Siyam na taon na akong nagtratrabaho, kung isasama ang ilang mga sidelines ko, halos buong buhay ko nagbabanat ako ng buto. Ang kinikita ko mula nuon hanggang ngayon, nagprogreso man, hindi pa ren sapat para masabi kong hindi maghihirap ang mga anak ko. Hindi ko na halos tingnan ang payslip ko kada sweldo, hindi ko ren kasi magawang invisible sa paningin ko ang buwis na kinakaltas saken.
Nakakasama lang talaga ng loob, halos ngumalngal ako sa balitang ang buwis na sapilitang kinakaltas saken ng aking kumpanya dahil sila ay matuwid na institusyon ay nasa bank account lang ng mga baboy. Para akong tanga habang umiiyak, naiisip ko kasing bakit ko to iniiyakan. Pero sobrang nakakasama lang talaga ng loob.
Habang ang mga anak ng mga gahaman na ito ay naglulustay ng pera sa mga walang kakwenta kwentang handaan at luho mula sa buwis na isa ako sa umaambag, pinagtatalunan namen ng asawa ko kung bakit ko ipinasok sa mamahaling eskwelahan ang anak ko. Paano daw kung hindi namen kayanin ang pagbabayad dahil hindi kame mayaman at wala kameng mayamang magulang na tutulong sa amin o mag-iiwan man lang ng mana?
Simple lang ang pangarap ko, gusto kong makapag aral ang anak ko sa magandang eskwelahan, simpleng pangarap na kailangan ko pang paghandaan sa isip, sa salita at sa lakas ng katawan kung kaya ko ngang mapanindigan hanggang sa sila ay magsipagtapos.
Sobrang saklap lang, kasi yung buwis na kinakaltas saken, nuon pa man, pakiramdam ko sobra sobrang ambag na sa kaban ng bayan kumpara sa natatanggap kong tulong sa gobyerno. Oo, bunga ako ng pampublikong paaralan at State University. Pero hello, sa kakarampot na kita ng tatay ko nuon, nagkakaltas pa ren ng buwis ang gobyerno. QUITS PO TAYO, baka nga abunado pa tatay ko.
Pero ako, ano bang pakinabang ko sa gobyerno? Sa ilang taon kong pagtratrabaho at pagbabayad ng di birong buwis, nasan ang pakinabang ko? Minsan na akong naholdap sa Kalookan galing sa trabaho dahil wala namang kapulisan na nagbabantay sa gabi. Wala reng pailaw sa daanan ng mga pampublikong sasakyan kaya parang nagtatawag lang kame ng holdaper sa jeep. Ang tinirhan kong squatters area, ni hindi pansinin ng lokal na pamahalaan kung di ren naman eleksyon. Hanggang ngayon kapag dumadalaw ako sa kinalakhan kong lugar na iyon, ni hindi man lang nagawang patambakan ng gobyerno ang daanan para kahit papano ay di bahain. Para pang lalong lumulubog at gusto na lang yata nilang tanggalin sa mapa ng Kalookan ang lugar namen.
Ng lumipat naman ako sa Cavite, araw araw nagdaraan ako sa matraffic na daan sa Aguinaldo High Way, kung mamalasin ka at tag-ulan, hindi ka nga makakadaan dahil baha na sa Bacoor. Halos masira ang dumadaang mga sasakyan dahil sa baku-bakong semento na ni hindi man lang maipaayos ng gobyerno.
Madalas akong mamasahe kapag papasok sa trabaho at traffic sa Coastal at EDSA pa ren ang naghihintay sa akin. Minsan nga, kung halos di ko magawang hilahin ang katawan ko sa kama dahil sa sarap matulog, binubulong ko na lang sa sarili kong sa bus na lang ituloy ang pananaginip... dalawang oras na byahe ay napakaswerte na para makarating ng Ortigas!
Ang libre at pampublikong edukasyon na sana ay mapapakinabangan ng mga anak ko, ni hindi ko naman din maatim na gamitin. Hindi ko minamaliit ang mga guro sa pampublikong paaralan, pero ang hindi ko magawang iparanas sa anak ko ay ang siksikang silid aralan, agawan ng mauupuan o kung mamalasin pa, dahil sa animnapu (60) at higit pang mag-aaral sa isang seksyon, (di pa todo yan… sabay napakaraming seksyon sa isang baitang o antas) ay sa labas na sila magdaraos ng klase.
Nakakapanlumo reng makita ang kinakalawang nateng mga kagamitan sa sandatahan at kapulisan. Mga pinaglumaan at itinatapon ng ibang bansang sandata na binibili ng gobyerno… sa tuwing makakarinig akong nagkakagirian na ang mga sundalong Pilipino at Instik na nagbabantay sa pinag-aagawang isla, natatakot akong matuluyan ito sa gyera. Paano tayo maipagtatanggol ng karag-karag na sandata?
Ang agrikulturang halos mamatay na dahil hindi man lang masuportahan, naghihingalo na nga, binabagyo pa. Ang nakakatawa pa, ang mga likas na yaman na dapat ay pag-aari ng Pilipinas at taong bayan, ilang bundok na ba ang nabenta sa mga mayayaman at pribadong negosyante? Paano ito napapatituluhan? Tanginang yan!
Nasan na ang buwis ng mga Pilipino? Nasan na ang buwis ko? Nasan yung kinakaltas saken kinsenas katapusan na makakabayad na sana ng tuition fee ng anak ko kung iipunin ko! Na siguro kung tyatyagain ko ay makakaipon na ng pambili ng materyales ng bahay para naman mas mapaayos ko pa ang tinitirhan ko. Marami na sana akong ipon para sa kinabukasan namen ng pamilya ko.
Lintek na yan, ibang kinabukasan ang iniipunan ko. Kinabukasan ng mga gahaman at walang budhing pulitiko at mga alipores nito.
Lagi kong sinasabi, bakit ang laki laki naman ng kinakaltas pero ang liit liit naman ng progreso ng bansa ko. Bakit kahit pataas ng pataas ng nakukuha sa akin, sa aming mga manggawa ay parang pahirap ng pahirap pa ren ang buhay ng mga kapwa ko Pilipino?
Asan ang pera ko? Asan ang pera ng mga Pilipino?
Comments
Post a Comment